Charles R. R. Masirag
Ika ni Milton Friedman, isang ekonomista mula sa Unibersidad ng Chicago sa Estados Unidos, “Tanging ang isang krisis – tunay man o kathang-isip – ang nagreresulta sa pagbabago.” Kilala si Friedman sa pagpapabulwag ng isang konseptong ekonomikal na inangkop sa iba’t ibang maunlad at paunlad-pa-lamang na mga bansa, isang komplikadong proseso kung saan binibigyan ng Shock Therapy, o lumilikha ng krisis, ang ekonomiya ng isang bayan upang paganahin ang mga makinarya nito. Sa isang banda, internal ang factor na syang hudyat ng ekonomikal na pagbabago sa isang bayan. Minsan, eksternal naman, na mas lalong pinabibilis ng marupok at bangkarote na burukrasya.
“Tamad” ang huling hatol ng batikang dyorno na si Ramon Tulfo sa mga manggagawang Pilipino, matapos nitong mapagsabihan sa publiko ang mga manggagawang kababayan natin bilang “puro sigarilyo at tsismis.” Pahabol pa nito, matapos punahin ng mga libu-libong Pilipinong bahagi ng di-umano’y tamad na bahagi ng demograpiya, na bakit raw sya hihingi ng paumanhin sa pagtawag nya sa kanilang tamad at makupad. Masakit raw ba ang katotohanan, tanong ni Tulfo.
Sa panahon ng mga engrandeng kasala’t debutante, mga tattoo sa bahay-batasan at muling pagkabuhay ng isang sexy dancer sa katawan ng isang assistant na kalihim ng komisyong pang-komunikasyon ng isang presidente, tila isang karnibal ang dumating upang magtanghal sa mga entablado ng mga ahensyang pampubliko. Higit pa rito ay ang pagdating ng isang bagong cast ng mga karakter upang gawing mas makulay ang ating mga gabi’t telebisyon.
Sa karnibal na ito, maituturing nating isang patron at manananghal si Tulfo. Sa pagbuka ng taong 2019 ay bumunsad sa mga pagawaan sa Metro Manila at mga karatig na probinsya ang mga Tsinong manggagawa, at binitbit ang mga maso’t jackhammer na naiwan ng mga manggagawang Pilipino – di tatagal bago magbulgar si Tulfo ng di-umano’y katamaran ng ating mga manggagawa – at di tatagal matapos ang pagkakaluklok nito sa pamagat na Ramon Tulfo: Special Envoy to China – regalo ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanya via special appointment. Isang karapat-dapat na titulo na merito sa kanyang katapatan at dedikasyon sa kakayanan ng mga mangagawa galing Tsina.
Hindi na malayong tanawin para sa ating mga manggagawa ang mapadpad si ibang lupalop sa kanilang paghahanap ng kanin at tinapay na maisusustento sa kanilang mga katawan upang mabuhay sa kinabukasa’t ulitin ang siklo. Sa taya ng Philippine Statistics Authority, 2.3 milyong Pilipino ang sa kasalukuya’y nakikipagkiskisan ng siko sa mga banyagang employer bilang mga Overseas Filipino Workers. 97 porsyento rito ang mga kontraktwal – na ang mga kontrata (at sa gayon, ang seguridad ng kanilang mga trabaho) ay nakadepende sa kagustuhan ng employer at kasalukuyang kalusugan ng pandaigdigang merkadong pampinansiya at ng dolyar.
Kalakip pa nito ay ang nakakapagtakang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho. Tinatayang nasa 22.6 porsyento ng mga nasa edad ng paggawa ang walang pinagkukuhanan ng hanapbuhay o di kaya’y nasa impormal na sektor, at nasa ilalim ng poverty line.
Sa madaling salita, sa natirang 77.4 porsyento ng populasyon na may trabaho, 2.3 milyon pa sa bilang ng mga ito ang naghahanap ng trabaho sa ibang bansa – marahil sa kadahilanang hindi lumilikha ang karnibal ng disenteng hanapbuhay para sa mga mamamayan nitong nasa sagigigilid.
Masakit sa isipan ni Mang Ignacio, 62, isang manggagawa sa isang construction site sa Maynila, na makitang pagka-endo ng kanyang kontrata’y pupunan ang trabahong naiwan nya ng mga Tsino. Si Mang Ignancio ay bumibyahe pa mula San Jose del Monte, Bulacan, tungo sa Taft araw-araw para sa 213 na piso sa maghapong pag-babakbak ng semento. Sa isang walang-pasintabing akto, ang kumpanya – sa pagmamay-ari ng isang Hapon – ay niratsada ang kanilang trabaho at nagngalan ng mga Tsinong manggagawa para dito.
“Walang [kaming] makain, eh,” sabi ni Mang Ignacio nang kausapin hinggil sa dalawang apo at asawang may problema sa puso. “Hindi naman [kami] tamad. Halos himatayin na ako sa init sa trabaho. Ang problema ko ngayon, kung saan hahanap ng mapapasukan.”
Isa ring patok na palabas sa karnibal at telebisyon noong nakaraan ay ang kawalang-ligo ng mga mamamayang Manileño dahil sa di-umano’y water shortage sa kalakhang Maynila. Unang linggo nang Marso ay may nasa sampung libong kabahayan sa kalakhang Maynila ang nawalan ng imbak na tubig mula sa mga linya. Makaraan naman ang isang linggo ay nasa kritikal na antas na ang lebel ng tubig sa reservoir ng La Mesa Dam, at wala pa ring pagbabago sa sitwasyon ng mga Manileño. Ani ng pinuno ng Manila Water na si Geodino Carpio, may dalawang pinagmulan ang “krisis” sa tubig. Una ay ang natural na kawalan ng tubig dulot ng pagkapukaw ng nakaimbak na rekurso sa mga reservoir kadahilanan ng El Niño, at pangalawa ay ang kabagalan ng konstruksyon ng mga imprastrakturang hidrolohikal tulad ng wastewater treatment plant sa Cardona, Rizal, at ang Kaliwa Dam sa Tanay, Rizal. Matagal nang napabulaanan ng mga akademiko, siyentista, at researcher na isang kathang-bibig ang epektong ito ng El Niño, sapagkat hundi mapupukaw nang gayon kabilis ang tubig sa reservoir dahil may makukuha pa sa ibang pagmumulang water repositories ang tubig na pamalit sa inuhaw ng init.
Sinasabi ng Carpio na dapat daw madaliin ang konstruksyon ng Kaliwa Dam upang maibsan ang “krisis” sa tubig.
Marami na ring bansa – tulad ng South African, Zambia, Venezuela, Malaysia, Laos, at iba pa – ang natapilok at nahulog sa bangin ng debt-trap diplomacy ng Tsina, kung saan nagpapautang ang pamahalaang tsino ng ilang milyon hanggang bilyon sa dolyar para sa mga proyekto sa imprastraktura ng mga developing – o papaunlad – na mga bansa. Ang ekonomikal na superstruktura ng mga bansang pinapautangan ng Tsina ay hindi istabilisado. Sa madaling salita, nagpapautang ang Tsina sa mga bansang hindi kayang bayaran ang napakalalaking utang – at imbis sa pinansyal na kabayaran, may iba pang pamamaraang binibigay ang Tsina upang makapagbayad ang pinagpautangan. Naniningil ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga puhunan sa bansa – sa kontrol at pagmamay-ari ng mga Tsinong korporasyon at kontraktor. Sa unang tingin, tila ito’y isang serbisyo sa mga mamamayan kung saan mabibigyan ng trabaho ang mga tao sa mga karatig na barrio at masosolusyonan ang problema sa tubig sa kamaynilaan. Pero ano nga ba ang hatid ng isang proyekto na puhunan ng dayuhang kapital? Negosyo o serbisyo? Ang tanong na ito ay masasagot ng tanong na kung ang serbisyong panlipunan ba ay dapat ibenta sa mga mamamayan na nagbabayad ng buwis na halos humigit pa sa dapat kitain ng isang manggagawa para mabuhay sa magdamag na araw.
Tulad ng Kaliwa Dam. Ang dam na ito ay bahagi ng mga proyekto kung saan ang punong kontraktor ay mga korporasyong Tsino. 85% ng pondo nito ay utang mula sa Tsina. Samantala, 7,300,000,000,000 piso ang kasalukuyang utang panlabas ng Pilipinas ayon sa Bureau of the Treasury ng pamahalaan. Naniniwala naman ang de-edad na tagapagsalita ng pangulo na si Salvador Panelo na mababayaran ng pilipinas ang utang sa Tsina.
Bumalik tayo kay Mang Ignacio. Isang manggagawang pilipino na kumikita ng 213 na piso sa isang araw. Indirekta pang tax-deductible ito ayon sa Extended Value-Added Tax. Wala pa rito ang mga dagdag-pataw ng TRAIN.
Namamasahe upang makarating sa Maynila. Pamasaheng kumisyon ng drayber ng jeep nya upang maipangbayad sa krudo. Krudong napatawan ng mataas na buwis. Buwis na pumapatak sa mga bilihin na itinratransporta sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Dagdag pa ang trapiko, na bunga ng pag-lobo ng populasyon sa kamaynilaan dahil sa paglipat dito ng mga tao galing probinsya. Mga probinsyang ‘di sinusuportahan ang industriya ng agrikultura, at walang oportunidad para sa trabaho. Mga lupang agrikultural na ibinebenta sa mga korporasyong agro-industriyal. Mga korporasyong dayuhan. At ngayon, mga trabahong ipinapamahagi sa dayuhang iligal na pumasok sa bayan.
Shock therapy, ika nga.
“Hiling ko lang, Sir Duterte. Sana po, yung mga promise nyo noong eleksyon, [magkatotoo],” sabi ng hinihingal na si Mang Ignacio. “Sana ang Pilipinas, para sa Pilipino.”