Crizaldy Losantas

Mahal Kong Anak,

Dumating na ang panahon na kinakatatakutan ko—- panahon kung kalian unti-unti ninyo akong aalisin sa inyong piling at unti-unti ring papalitan ng bago sa inyong pandinig.

Nakapangingilabot sa pakiramdam na hindi nyo man ituran, ramdam ko naman na hindi na ako ganoon kahalaga. Hindi ninyo na madalas ginagamit ang mga salitang inyong natutunan simula pa lamang ng inyong pagkabata. Kahit ang mga simpleng salita ay nakalimutan ninyo nang gamitin nang tama. Sa bagay, mas madalas ninyo nga naming tangkilikin ang naging karibal ko sa inyong mga puso. Madalas ninyo kasing gamitin sa eskuwelahan, opisina o sa mga bagay na may kinalaman sa negosyo. Para nga naman maintindihan kayo ng mga banyaga.

Mainam. Pinapayabong ninyo ang inyong kaalaman upang mapalawig pa ang inyong kakayahan sa pakikipagtalastasan. Nakatutuwang isipin ang matagumpay ninyong kalagayan sa pamamagitan ng lenggwaheng madalas ninyo nang ginagamit. Subalit, anak, tila ba naisantabi mo na ang iyong ina na naging pundasyon mo kaya ang binti mo ngayo’y nakatatayo pa? Heto’t nabalitaan ko pang daragdagan ninyo pa ang kaalaman ninyo sa paggamit ng isa pang wika at ako’y tatanggalin ninyo kasama ng Panitikan bilang inyong asignatura. Tuluyan ninyo na bang buburahin sa inyong alaala an gating mga pinagsamahan? Tuluyan ninyo na bang isasantabi ang mga bagay na inyong natutunan?

Anak, nakikiusap ako, huwag ninyo akong alisin. Nangangamba ako na sa puntong inyo itong gagawin baka ang mga simpleng bagay ay inyong maiwaglit. Baka ang paggamit ng ‘nang’ at ‘ng’ ay hindi ninyo na alam gamitin nang tama. Ganoon na rin ang pagkakaiba ng ‘pinto’ sa ‘pintuan’ at kung may dumi ka ba sa kamay ay dapat mo ba itong ‘punasin’ o ‘punasan’?

Naway mabuksan ang nakakandado mong isipan. Hindi mo ako dapat tanggalin o palitan bagkus ay dapat ninyo akong pagyabungin hanggang sa kinabukasan.

Ako’y isang gintong pamana na hindi mo dapat pakawalan at kalimutan.

Nagmamahal,
Inang Filipino

Share this

Leave a Reply